Ang Peligro

Isusulat kita sa Filipino. Isasalin kong ngalan mo sa pinakamagandang wikang alam ko. Para masanay kang tinatawag kang hindi galit. 

Isusulat kita para di ako makalimot. Isusulat kita para di na kita abalahin sa mga paalalang paulit-ulit. 

Tulad ng mag-iingat ka at huwag kang mamamatay. 

Huwag kang magpapaulan, kung hindi ka rin naman darami. Kung ‘di mo kayang magkaroon kami ng tig-isang ikaw. Wag na lang mahal. Baka magkasakit ka. Baka mamaos ka. Kahit nais kong malunod sa lalim ng tinig mo, wag kang magpapaulan. 

Wag kang magbibilad sa araw na wala kang suot na sumbrero. Baka sumama ang pakiramdam mo. Kahit gusto kong hawakan ang kamay mo at kausapin ka hanggang mawalang lahat ng sakit na nararamdaman mo, wag kang magpapainit.

Alalahanin mo ako sa tuwing naglalakad ka, na para bang kasabay mo pa rin ako. Kalimutan mo ako kung iyon ang makakabuti sa’yo. 

Isusulat kita sa mga araw na inaalala kong bawat oras na kasama kita.

Isusulat kita sa tuwing gusto kong ipaalala sa’yong mahalaga ka. 

Kaya mahal, mag-iingat ka at mabuhay ka. Ngumiti ka. Alinman sa tatlong klaseng ngiting mayroon ka. Mabuhay ka nang may saysay ay may saya. 

Pangarap kong matutunan kung pano ka mapangiti. Ang peligro sa pag-ibig ay nasa pagkakataong mahalin ka. Lumakad akong buo, lumakad akong bukas ang mga mata. Lumakad ako dahil walang peligrong alintana, kung ang daan ay patungo saiyo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s