kwarto at kwarto

Kay rami mong alaala sa isang kwartong ni hindi mo pa nasilayan. Kay raming ala ala sa loob ng mga kahong patong-patong kahit tatlong beses pa lamang talaga kitang nakasama. Kasabwat natin ang ating mga pag-iisip, kahit hindi pa sigurado kung kakampi natin ang ating mga puso.

Kung ang pagpapaalam sa’yo ay paglisan sa isang kwarto, sadyang kwartong pinalilibutan ng salamin, may ilusyon ng walang katapusan. Nililinlang rin ng ilusyon ng oras, kahapon at ngayon. Saan ko susukatin ang oras, sa pag-ikot ng mundo o sa pagtigil nito para sa iyo. Saan ko susukatin ang oras, sa layo natin sa isa’t-isa o sa pagtuloy nating paglapit, pagbagtas sa mga ginuhit na linya ng Agawan Base, nag-pa-Patintero sa pagitan ng mga damdamin, maunang mahulog at madapa ay talo gaya sa pag-ibig, habulan ngunit hindi malinaw kung sino ang taya, nagpaparaya at nandaraya rin naman, ngunit ako ang laging talo- siyang tanging patakaran ng ating laro, itinatanggi mo maski itong laro, paghamak sa lumalaban ngunit walang laban.

Kung ang tunay kong ligaya ay nasa labas nitong kwarto, tila hindi mauubos ang mga pinto. Tila nagiging kahon ang kwarto, nilisan ng mga mapanlinlang na salamin, nauwi sa isang papel na kahon gaya noong mga naglalaman ng iyong mga alaala, marupok, ngunit walang takas o sadyang wala ang pagnanais na tumakas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s